Pormal nang inihain sa Makati City Regional Trial Court ang kahilingan ng United States government na i-extradite si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at dalawa nitong kapwa respondent.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), isinampa ang extradition request noong Nobyembre 9 at ini-raffle sa Branch 145 na pinamumunuan ni Judge Karen Matti Sy. Kabilang din sa hinihiling na i-extradite sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.

Layunin ng US na maiharap sila sa paglilitis kaugnay ng mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling. May umiiral ding arrest warrants laban sa mga respondent na inilabas ng korte sa Amerika.

Ipinaliwanag ng DOJ na sa ilalim ng bagong Rules of Extradition, maglalabas ang extradition court ng warrant of arrest at ipaaabot sa mga respondent ang summons kasama ang kopya ng petisyon at mga kalakip na dokumento.

Kasalukuyang nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail kaugnay ng kasong qualified human trafficking at iba pang reklamo.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin naman ng DOJ na ang extradition proceeding ay hindi paglilitis upang tukuyin ang pagkakasala o kawalang-sala ng isang akusado. Ang usapin ay pagpapasya ng korte sa bansang pagdadalhan sa kanya.