Nagbigay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permits sa 1,297 na passenger bus units sa buong bansa upang matiyak na sapat ang masasakyan ng mga biyahero ngayong nalalapit na Holy Week.

Ayon kay LTFRB chairperson Vigor Mendoza II, normal na tumataas ang bilang ng mga pasahero sa panahong ito dahil mahalaga ang Semana Santa sa maraming Pilipino.

Gayunpaman, inaasahan din ang mas maraming commuter ngayong taon dahil sa mataas na presyo ng gasolina at diesel, kaya mas pinipili ng ilan na mag-commute kaysa magdala ng sariling sasakyan.

Sinabi rin ni Mendoza na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon sa mga terminal upang agad makapag-deploy ng dagdag na bus kung kinakailangan, lalo na’t inaasahang dadagsa ang mga pasahero.

Bilang bahagi ng pagbibigay ng special permits, mahigpit na inatasan ang mga bus company at operator na tiyakin ang roadworthiness o maayos na kondisyon ng kanilang mga sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Inutusan din ang lahat ng regional directors ng LTFRB na magsagawa ng inspeksyon sa mga terminal ng bus at iba pang public utility vehicles (PUVs).

Dagdag pa niya, kailangang makipag-ugnayan ang LTFRB sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) at law enforcement agencies upang mas mapalakas ang pagpapatupad ng road safety rules.

Layunin ng ahensya na masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada, hindi lamang sa kondisyon ng mga sasakyan kundi pati na rin sa pisikal at mental na kahandaan ng mga driver.

Bukod sa kaligtasan, binigyang-diin din ang kahalagahan ng maayos na pasilidad sa mga terminal.

Nauna nang pinaigting ng LTFRB ang inspeksyon sa mga terminal dahil sa mga reklamo tungkol sa mga sirang pasilidad na nakakaapekto sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

Dahil dito, daan-daang terminal owners at operators ang nabigyan ng show cause orders at notices of violation, habang ang ilan ay ipinasara dahil sa matinding paglabag sa mga safety rules.