Nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na preventive suspension laban sa 26 na bus ng Victory Liner matapos masangkot ang dalawa nitong yunit sa isang banggaan sa Tuba, Benguet na ikinasawi ng isang pasahero at ikinasugat ng dose-dosenang iba pa.

Naglabas ang LTFRB nitong Lunes ng show cause order at preventive suspension order laban sa kumpanya at mga apektadong bus unit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, nabigyan na ng pagkakataon ang Victory Liner na magpaliwanag kaugnay ng aksidente at inaasahan nilang makikipagtulungan ang kumpanya sa proseso.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakaranas umano ng mechanical problem ang isang Victory Liner bus na paakyat sa Marcos Highway habang sinusundan ang isang sports utility vehicle (SUV).

Dahil dito, bumangga ito sa isa pang Victory Liner bus na mula sa kasalubong na direksyon at sa SUV bago sumalpok sa konkretong harang at tumaob.

-- ADVERTISEMENT --

Isa ang nasawi habang 95 katao ang naiulat na nasugatan sa aksidente.

Sinabi ni Mendoza na inaatasan din ang kumpanya na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa nito kaugnay ng insidente.

Kasabay nito, inatasan ng LTFRB ang regional office nito na tiyakin ang agarang pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga sugatang pasahero, lalo na ang mga nananatiling naka-confine sa ospital.

Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Victory Liner at sa insurance provider upang mapabilis ang pagbibigay ng insurance claims sa mga naapektuhang pasahero.

Sa pahayag naman ng Victory Liner, sinabi nitong iginagalang nito ang desisyon ng LTFRB na pansamantalang suspindihin ang operasyon ng ilan sa mga ruta nito, kabilang ang Dagupan-Baguio, PITX-Tuguegarao, at Sta. Cruz, Zambales-Baguio.

Humingi rin ng paumanhin ang kumpanya sa mga pasaherong maaapektuhan ng suspensyon at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing pasahero.

Nangako rin itong makikipagtulungan nang buo sa mga ahensya ng pamahalaan sa isinasagawang imbestigasyon.