
Limang Pilipino na lamang sa 17 na naospital ang patuloy na nagpapagaling sa iba’t ibang ospital sa Bavaria, Germany matapos ang bus crash noong Setyembre 27.
Ayon sa Philippine Consulate General sa Frankfurt, nagsimula nang mabigyan ng medical clearance para bumiyahe ang ilan sa mga sugatan.
Sangkot sa aksidente ang tour bus na may 33 Pilipino na galing Milan, Italy at patungong Munich para dumalo sa Oktoberfest. Tumilapon sa kalsada at bumaligtad ang bus sa A96 Highway malapit sa Buchloe.
Dalawa ang nasawi sa insidente. Hiniling ng pamilya ng isa sa mga biktima na maiuwi ang kanyang labi sa Batangas.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang konsulado sa mga pamilya ng mga biktima at inaayos ang pag-uwi ng mga nakaligtas at mga na-discharge na sa ospital.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente, kabilang ang posibilidad ng legal na hakbang laban sa tour bus operator.









