Pabor si Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro sa pagbubukas ng pre-trial conference sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte para sa media at publiko.

Matatandaang hindi binuksan sa media ang unang pre-trial conference at tanging ilang bahagi lamang ang pinayagang ma-cover, gaya ng roll call ng mga dumalong abogado.

Ayon kay Luistro, mahalagang maipaliwanag din sa publiko ang dahilan kung bakit may mga bahagi ng proseso na hindi binubuksan sa media, lalo na’t mabigat at teknikal ang mga usapin sa pre-trial gaya ng pagmarka ng ebidensya.

Giit niya, mabusisi at matrabaho ang pre-trial conference kaya posibleng ito ang isa sa mga konsiderasyon ng impeachment court sa paglimita ng access.

Dagdag pa niya, ilalabas din sa huli ang mga napag-usapan sa pamamagitan ng pre-trial order kapag natapos na ang mga susunod na conference.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda ang panibagong pre-trial conference sa susunod na linggo kung saan muling maghaharap ang prosecution at defense panel sa Senado.