Tiniyak ng Malacañang na maingat na pinag-aaralan ng Department of Finance (DOF) ang panukalang Progress Bill upang matiyak na hindi maaapektuhan ang mga ordinaryong Pilipino.

Layunin ng panukala na taasan ang tax exemption ng mga kumikita ng hanggang ₱350,000 kada taon, kaya mas marami ang hindi na magbabayad ng income tax.

Kasama rin sa panukala ang pagtataas ng buwis sa mga luxury item at ilang produkto tulad ng matatamis na inumin, vape at single-use plastic.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maipasa agad ang panukala, kung maaari ay ngayong 2026.

Nilinaw naman ni Castro na hindi para sa karaniwang mamamayan ang luxury tax dahil nakatuon ito sa mga mamahaling produkto, gaya ng luxury vehicles.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ang mas mataas na buwis sa sugary drinks, vape at single-use plastic ay layong hikayatin ang mas malusog na pamumuhay at mabawasan ang paggamit ng mga produktong nakasasama sa kalusugan at kalikasan.