Nanawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa Kongreso na agad isabatas ang panukalang magpapababa sa mga bayaring ipinapataw sa perang ipinadadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Nakapaloob ang panukala sa House Bill 8615 o OFWs Remittance Protection Act, na naglalayong bigyan ng proteksiyon ang mga remittance ng OFWs laban sa hindi makatwirang bayarin at iba pang nakatagong singil.

Sa ilalim ng panukalang batas, inaatasan ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Migrant Workers (DMW) na tiyakin ang patas na singil sa mga transaksiyon ng pagpapadala ng pera mula sa ibang bansa.

Noong Marso ngayong taon, naipasa na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang bersyon nito ng OFWs Remittance Protection Bill.

Binigyang-diin ni Yamsuan na batay sa pinakahuling ulat ng World Bank, umaabot sa 6.36 hanggang 14.99 porsiyento ang remittance fees sa bawat 200 dolyar na ipinapadala sa Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mambabatas, malaking halaga ang maaaring matipid ng mga OFW kung mababawasan ang mga bayarin at hidden charges sa pagpapadala ng pera.

Maaari aniyang maidagdag ang matitipid na halaga sa mismong perang ipinadadala nila upang higit na makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.