
Maaaring arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kahit naka-session ang Senado, ayon sa mga legal expert.
Ayon sa mga abogado, limitado lamang ang immunity ng mga mambabatas sa mga kasong may parusang hindi lalampas sa anim na taong pagkakakulong.
Nauna nang inilagay si dela Rosa sa protective custody ng Senado sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 44, na nagsasaad na dapat maprotektahan ang mga Pilipino laban sa agarang pag-turn over sa foreign state nang hindi nabibigyan ng sapat na panahon para dumulog sa korte.
Gayunman, sinabi ni dating Integrated Bar of the Philippines president Atty. Domingo Cayosa na isa lamang itong resolusyon at hindi batas kaya hindi nito maaaring labagin ang Konstitusyon at umiiral na mga batas.
Nahaharap si dela Rosa sa reklamong “crimes against humanity” sa International Criminal Court (ICC), na may katumbas na parusang habambuhay na pagkakakulong.
Dahil dito, sinabi ng mga eksperto na maaari siyang arestuhin sa kabila ng kanyang posisyon bilang senador.
Ayon kay international law expert Atty. Michael Tiu, posibleng ipatupad ang pag-aresto kahit sa loob ng Senado kung kinakailangan.
Samantala, sinabi naman ni Ateneo law professor Mel Sta. Maria na walang kapangyarihan ang Senado na ikubli o itago ang isang senador laban sa pagpapatupad ng warrant.
Nagbabala rin ang mga eksperto na maaaring mauwi ito sa “tug-of-war” sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura.










