Magkasunod na binawian ng buhay sa pagamutan ang mag-asawang sakay ng ambulansiya na nahulog sa bangin noong Linggo ng gabi, May 24 sa Sitio Assao, Barangay Bitag Grande, Baggao, Cagayan.
Unang binawian ng buhay si Violeta Dumayag, 50 anyos at sumunod ang kanyang asawang pasyente na si Alvaro, 52, kapwa residente ng Barangay Hacienda Intal.
Nabatid na kapwa nagtamo ng matinding tama sa ulo ang mag-asawang biktima na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.
Patuloy namang nagpapagaling ang driver ng ambulansiya na si Jeric Siazon, 24-anyos at ang nurse na si Marjorie Magulod, 29-anyos.
Matatandaan na nahulog sa tinatayang 10 meters na lalim na bangin ang ambulansiya matapos umanong nagpreno ang driver sa pababa at pakurbadang bahagi ng daan nang biglang may tumawid na indibidwal.
At dahil madulas ang kalsada dulot ng pag-ulan ay hindi nakontrol ng driver ang manibela at dumiretso sa bangin.