Binuksan na ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System ang isang spillway gate ng Magat Dam ngayong hapon ng Linggo, Marso 9.
Base sa abiso ng Dam and Reservoir Division, nasa 188 cubic meter per second (cms) ang dami ng pinapakawalang tubig mula sa iniangat na isang metro ng binuksang gate.
Nagpaalala naman si Division Manager Engr. Carlo Ablan sa publiko na mag-ingat, partikular na sa mga lugar na direktang dadaluyan ng tubig na pinapakawalan ng Magat Dam.
Alas 5:00 ng hapon ngayong Linggo ay nasa 190.72 meters above sea level ang water elevation ng Magat Dam at malayo pa naman ito sa normal high level na 193masl.
Ang pagpapakawala ng tubig ay upang mapanatili ang ligtas na water elevation dahil na rin sa mga nararanasang pag-ulan sa magat watershed dulot ng Shearline.
Target naman nilang ibaba hanggang 190masl ang water elevation sa Dam upang mayroon pa ring buffer stock ng tubig.
Samantala, simula Marso 16 ay magsisimula na ang cut-off sa Main Canal at North Diversion Canal na ginagamit sa patubig ng mga magsasaka.
May ilalaan pa namang tubig para sa 10,000 hektarya na sakahan para sa second dry crop.