Nasawi ang dalawang magbayaw sa Barangay Linangkayan, Naawan, Misamis Oriental matapos pagtatagain ng kanilang kainuman gamit ang dalawang itak.
Ayon sa ulat, nag-inuman ang mga biktima na may edad 67 at 52 kasama ang 48-anyos na suspek nang magkaroon ng mainit na pagtatalo.
Isa sa magbayaw ang unang nakaalitan ng suspek at sinubukang tumulong ang isa pa, dahilan upang mapagtulungan nila ang suspek at masaktan ito.
Matapos ang kaguluhan, umuwi ang suspek at pagbalik ay may dala na itong dalawang itak.
Sa galit, pinagtataga niya ang magbayaw sa labas ng kanilang tahanan, na agad ikinasawi ng dalawa.
Nakita ng mga kapitbahay ang malagim na pangyayari at agad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Ayon sa pulisya, lumalabas sa imbestigasyon na walang dati o matagal nang alitan sa pagitan ng mga sangkot.
Pinaniniwalaang ang matinding kalasingan ang nagtulak sa marahas na insidente.
Dinala sa ospital ang suspek at kasalukuyan na itong ligtas, ngunit siya ay mahaharap sa kasong double murder.