Patay ang isang estudyante ng Criminology habang nasugatan ang kanyang kapatid na lalaki matapos na mahulog sa bangin ang kanilang sinakyang motorsiklo sa Bontoc, Mountain Province kahapon ng madaling araw.

Ayon sa Bontoc municipal police station, binabagtas nina Janel Balac Palacio,estudyante, at ang kapatid na si Jeryx Kian ang lansangan sa Barangay Alab Oriente sa Bontoc mula sa Barangay Bontoc III patungong Sitio Dantay sa Barangay Alab nang mag-overshoot ang kanilang motorsiklo sa pakurbadang bahagi ng lansangan, na nagresulta sa pagkahulog nito sa bangin.

Nagtamo ng mga sugat si Jeryx, na siyang nagmaneho ng motorsiklo, subalit nakitang naipit si Janel sa pagitan ng mga kawayan limang metro ang layo mula sa kalsada.

Idineklara siyang patay na sa Bontoc General Hospital.

Ang magkapatid ay kapwa residente ng Barangay Dalimuno, Bantay, Tabuk City, Kalinga.

-- ADVERTISEMENT --