Sugatan ang isang magsasaka tapos siyang pagtatagain ng dalawang lalaki sa Barangay Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktima na si alyas Unyor, 42-anyos, may-asawa at residente sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na dating alitan ang pinag-ugatan ng away sa pagitan ng mga suspek na magkamag-anak at ang biktima.

Sinabi ng pulisya, nagluluto ang biktima sa labas ng kanilang tahanan nang dumating ang mga suspek at siya ay kinompronta.

Kasunod nito ay nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga ito kung saan kinuha umano ng isa sa mga suspek ang nakitang itak sa isang lamesa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi naman ng isang saksi na nakita nitong tumakbo sa loob ng bahay ang biktima na sinundan ng mga suspek bitbit ang itak.

Hinawakan umano ng isa sa mga suspek ang biktima habang pinagtataga siya ng isa pa.

Itinakbo ng mga suspek ang kanilang mga sarili sa ospital dahil sa mga tinamong ring sugat, habang agad din na dinala sa pagamutan ang biktima.

Sa isinagawang follow-up operation ng kapulisan, nahuli ang dalawang suspek, at sinampahan ng kasong frustrated murder.