Nasa 15,746 pulis ang ipakakalat sa Metro Manila para sa seguridad sa mga inaasahang protesta sa Setyembre 21, kasabay ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Allen Rae Co, ilalagay sa full alert status ang NCRPO pagsapit ng hatinggabi ng Setyembre 19, habang inaasahang kumpleto ang deployment pagsapit ng alas-5 ng hapon sa Sabado.

Hindi armado ang mga pulis na itatalaga sa crowd control. Sa halip, may protective gear tulad ng helmet at shield ang Civil Disturbance Management personnel, habang gagamit din ng body-worn cameras.

Sinabi ng PNP na wala pa silang namomonitor na partikular na banta kaugnay ng mga protesta, ngunit patuloy ang kanilang pagbabantay at paghahanda ng contingency plans.

Hinimok naman ng pulisya ang mga nagpoprotesta na igiit ang kanilang karapatang magpahayag at magtipon nang mapayapa, nang hindi nalalagay sa panganib ang publiko.

-- ADVERTISEMENT --