
Umabot sa kabuuang 339 na mga pulis ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang pormal nang naitaas ang ranggo sa isinagawang sabayang oath-taking, donning at pinning of ranks sa Camp Marcelo Adduru sa lungsod ng Tuguegarao.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng First Cycle ng Calendar Year 2026 Second-Level Uniformed Personnel Regular Promotion Program para sa mga kwalipikadong pulis mula sa Regional Headquarters, Police Provincial Offices at Santiago City Police Office.
Sa kabuuang bilang, 114 ang Police Commissioned Officers na kinabibilangan ng 53 Police Majors, walong Police Captains at 53 Police Lieutenants.
Samantala, 225 ang Police Non-Commissioned Officers na binubuo ng isang Police Executive Master Sergeant, 100 Police Chief Master Sergeants, 22 Police Master Sergeants, 45 Police Staff Sergeants at 57 Police Corporals.
Pinakamaraming na-promote ang mula sa Cagayan Police Provincial Office na may 131, sinundan ng Isabela Police Provincial Office na may 93.
Mayroon ding 36 mula sa Nueva Vizcaya, 33 mula sa Regional Headquarters, tig-13 mula sa Quirino PPO at Santiago City Police Office, 14 mula sa Regional Mobile Force Battalion 2, at anim mula sa Batanes PPO.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni PRO2 Regional Director PBGen Mariano Rodriguez na ang promosyon ay hindi lamang pagkilala sa nakaraang serbisyo kundi kaakibat din nito ang mas malaking responsibilidad sa publiko.
Binigyang-diin pa ng opisyal na ang bagong ranggo ay simbolo ng higit na pananagutan, kaya’t hinikayat niya ang mga bagong promote na panatilihin ang integridad at huwag gamitin ang kanilang kapangyarihan para sa pansariling interes.
Nagpasalamat din si Rodriguez sa mga pamilya ng mga pulis dahil sa kanilang patuloy na suporta na naging mahalagang bahagi ng tagumpay at paglago sa propesyon ng bawat miyembro ng kapulisan.
Ayon sa PRO2, layunin ng regular promotion program na kilalanin ang merito at higit pang palakasin ang hanay ng mga pulis na may integridad, kakayahan at pananagutan sa serbisyo publiko.




