
Umakyat pa sa 403 ang mga gasolinahan na nagsara sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina ayon sa Philippine National Police.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, noong nakaraang Miyerkules, 273 pa lamang ang sarado.
Kasabay nito, iniimbestigahan na ng PNP, kasama ang Department of Energy (DOE) ang closure ng mga ito para malaman kung may kinalaman ito sa hoarding o profiteering.
Binigyang diin ni Tuaño na tinatayang hanggang kalagitnaan ng Abril pa ang suplay ng gasolina sa bansa.
May mga kaso na kasing naihain na sa Nueva Vizcaya, Eastern Samar, at Albay tungkol sa ilegal na pagbebenta, hoarding at profiteering ng gasolina.
Nagsasagawa na rin ng mas mahigpit na pagbabantay ang PNP sa mga gasolinahan na iniulat na nagsara.
Nagbabala ang PNP na kikilos sila kung may maling gawain sa likod ng biglaang pagsasara ng mga gasolinahan.










