Natuklasan ng Department of Transportation (DOTr) na libu-libong Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers at motorcycle taxi riders ang walang prangkisa o iligal na bumibiyahe matapos silang lumutang sa listahan ng mga benepisyaryo ng cash aid ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon.

Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, lumampas nang malaki sa itinakdang bilang ang mga TNVS drivers na humihingi ng ayuda.

Mula sa 54,000 na may lehitimong prangkisa, umabot umano sa halos 100,000 ang nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ganito rin ang sitwasyon sa motorcycle taxi sector.

Bagama’t 78,000 lamang ang kabuuang cap na itinakda para sa mga rider, tinatayang lumagpas na sa 200,000 ang aktwal na bumibiyahe sa kalsada.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iniutos ng DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itigil ang pagtanggap o onboarding ng mga bagong TNVS drivers at motorcycle taxi riders, maliban sa mga may umiiral at valid na prangkisa.

Inamin ni Lopez na maaaring may pagkukulang din sa panig ng pamahalaan kung bakit lumobo ang bilang ng mga colorum.

Hindi pwedeng hindi alam ng mga kinauukulan ang ganitong kalaking paglabag.

Maaaring may nagbubulag-bulagan o hindi nababantayan nang maayos, ani Lopez.

Kasunod nito, ipinatigil din ng DOTr ang on-the-spot at same-day onboarding activities ng mga Transport Network Companies (TNCs) at Motorcycle Taxi Platform Providers (MTPPs).

Pinag-aaralan na rin ng ahensya ang posibleng pagpapataw ng parusa laban sa mga kumpanyang mapapatunayang lumabag sa itinakdang limitasyon ng bilang ng kanilang drivers at riders.

Ang pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga transport workers na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.