Huli ang isang high value target sa bayan ng Aparri, Cagayan dahil sa pagbebenta ng illegal na droga.
Kinilala ni Agent Philip Bermiso, team leader ng PDEA Regional Special Enforcement Team ng PDEA Region 2 ang suspect na si Bernard Pagaduan, 48 anyos at residente ng Centro 1 Aparri.
Una rito ay nahuli aniya ang supect sa pamamagitan ng buy bust operation ng PDEA at PNP Aparri.
Ayon kay Bermiso, dati na umanong minamanmanan ang supect at kabilang sa high value target ng PDEA.
Lumalabas sa imbestigasyon na magdadalawang taon na umano na nagbabyahe at nagbebenta ng mga illegal na droga si Pagaduan kung saan nahuli din ang kanyang mga kasama..
Napag-alaman na may mga contact ito sa Manila at kinukuha doon ang mga shabu saka ito dinadala sa bayan ng Appari, Gonzaga, Sta.Ana at Ballesteros.
Dahil dito ay nakumpiska umano ang humigit-kumulang 6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,800.
Sa ngayon ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspect.