
Inaprubahan ng Office of the President ang muling itinakdang biyahe ni Vice President Sara Duterte, ayon sa Malacañang.
Kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na pinayagan ang travel request ng Pangalawang Pangulo para sa petsang Mayo 2 hanggang 15.
Gayunman, sinabi ng Office of the Vice President na wala pa itong kumpirmasyon kung tuloy ang pag-alis ni Duterte ngayong Mayo 2.
Nauna nang naghain si Duterte ng travel request para sa petsang Abril 23 hanggang Mayo 15, na una nang naaprubahan. Subalit binago umano ang kanyang iskedyul kaya nagsumite siya ng panibagong request.
Itinanggi naman ng Malacañang ang pahayag na huli o last minute ang pag-apruba sa travel authority ng Bise Presidente.
Ayon kay Castro, karaniwan nang ibinibigay ang travel authority isang araw bago ang nakatakdang biyahe.
Samantala, hindi dumalo si Duterte sa mga nakaraang pagdinig ng House committee on justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Nakatakdang magpulong muli ang komite sa Mayo 4 upang aprubahan ang committee report at ang Articles of Impeachment mula sa pinagsamang mga reklamo.










