Inihayag ng Malacañang noong Biyernes na ang panukalang executive order na magtatakda ng ₱50 na price cap o maximum retail price sa imported na well-milled rice ay inendorso na at kasalukuyang isinasailalim sa koordinasyon ng mga pangunahing economic agencies.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ang rekomendasyon sa presyo ng bigas ay bunga ng mga talakayan sa pulong ng UPLIFT committee ng pamahalaan, na dinaluhan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Nilinaw niya na wala pang napag-uusapan ukol sa pagpapalawig ng subsidy o diskuwento sa ibang uri ng bigas, lalo na ang lokal na produksyon.

Ipinaliwanag din niya ang paghahati ng tungkulin ng mga ahensya sa pagbabantay ng presyo: ang DTI ang nangangasiwa sa mga produktong nasa grocery, habang ang Department of Agriculture naman ang may hurisdiksyon sa mga pampublikong pamilihan.

Ayon kay Castro, sinabi ni Laurel na nagkakaiba ang galaw ng presyo sa grocery at wet market dahil sa paraan ng imbentaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga grocery store ay may stock na umaabot ng hanggang 60 araw, kaya mas mabagal ang pagtaas ng presyo.

Samantalang ang mga nagtitinda sa palengke ay araw-araw bumibili ng paninda, kaya mas mabilis silang naaapektuhan ng pagbabago ng presyo, lalo na sa gastos sa transportasyon.

Hinimok niya ang publiko na i-report sa Department of Agriculture ang mga kaso ng sobrang taas ng presyo sa mga pamilihan.

Sinabi rin ng Malacañang na ilalabas nito ang pinakahuling daily price report ng Department of Agriculture upang magbigay ng updated na datos sa kasalukuyang presyo sa merkado.

Samantala, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa tensyong geopolitikal sa Middle East, nagsimula na ang DSWD na magbigay ng suporta sa mga PUV driver sa pamamagitan ng programang Walang Gutom Kitchen (WGK).

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nagbibigay ang programang ito ng libreng pagkain upang matulungan ang mga driver na makayanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Binigyang-diin din niya na bukas ang WGK para sa sinumang nangangailangan ng agarang tulong sa pagkain—hindi lamang sa mga driver kundi sa kahit sinong nakararanas ng gutom o nangangailangan ng agarang suporta.