
Nilinaw ng Malacañang nitong Miyerkules na peke ang kumakalat online na medical document kaugnay ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinondena ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagpapakalat ng umano’y “fabricated at malicious” na impormasyon, at iginiit na walang katotohanan ang naturang dokumento. Ayon sa PCO, maayos ang kalagayan ng Pangulo at patuloy nitong ginagampanan ang kanyang mga tungkulin.
Binigyang-diin din ng PCO na ang pagpapakalat ng pekeng medical information ay paglabag sa karapatan sa privacy ng Pangulo at nagdudulot ng hindi kinakailangang pangamba sa publiko.
Hinikayat ang mamamayan na iwasang magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon, habang sinabing pinag-aaralan na ang posibleng legal na hakbang laban sa mga nasa likod nito.
Nauna nang inilagay sa medical observation ang Pangulo sa St. Luke’s Medical Center dahil sa diverticulitis, subalit itinanggi ng Malacañang ang ulat na siya ay sasailalim sa operasyon.
Ayon sa Palasyo, patuloy na gumagaling ang kalagayan ng Pangulo kaya’t hindi na kinakailangang maglabas ng medical bulletin.










