
Naniniwala si dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito Luna na malakas ang laban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC) at malaki ang tiyansang ma-acquit o mapawalang-sala ang dating punong ehekutibo.
Gayunpaman, itinuturing na isang setback o balakid ang naging desisyon ng ICC na hindi payagan ang paggamit ng wikang Filipino sa mga bahagi ng paglilitis, bagay na iginiit ni Presiding Judge Joanna Korner ay dapat manatili sa wikang Ingles alinsunod sa Rome Statute.
Kasabay nito, napagpasyahan ng ilang pro-Duterte groups na dito na lamang sa Pilipinas magsagawa ng kanilang mga support rally sa halip na dumayo sa The Hague, Netherlands.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagkilos ng iba pang mga tagasuporta na magsasagawa ng programa sa mismong harapan ng gusali ng ICC at sa iba’t ibang bansa upang ipakita ang kanilang pakikiisa.
Binigyang-diin ng kampo na nananatiling malaya ang sinuman na magpahayag ng kanilang suporta para kay dating Pangulong Duterte at sa buong pamilya Duterte habang umuusad ang paglilitis.




