Posibleng makaranas ng malaking rollback sa presyo ng diesel sa susunod na linggo, na maaaring umabot mula P8.80 hanggang P10.80 kada litro, ayon sa pagtataya ng industriya.

Ang inaasahang pagbaba ay dulot ng positibong pananaw sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nakaapekto sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Kung matutuloy, maaaring bumaba ang presyo ng diesel sa Metro Manila sa humigit-kumulang P120 hanggang P160 kada litro mula sa dating umaabot sa P170 kada litro. Gayunman, nananatili pa rin itong mataas kumpara sa antas bago ang digmaan.

Samantala, inaasahang bahagya lamang ang ibababa ng presyo ng gasolina, na tinatayang nasa P1.50 kada litro.

Patuloy namang nagsasagawa ng hakbang ang pamahalaan upang tiyakin ang sapat na suplay ng langis, kabilang ang pag-angkat ng diesel mula sa ibang bansa. Nitong mga nakaraang araw, nakatanggap ang bansa ng panibagong shipment mula sa Malaysia upang palakasin ang reserba ng suplay.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Department of Energy, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya at industriya upang mapanatili ang sapat na suplay at maiwasan ang kakulangan na maaaring makaapekto sa transportasyon at iba pang sektor ng ekonomiya.