Pinapalakas ng malalaking negosyo ang kanilang corporate social responsibility (CSR) programs bilang tugon sa epekto ng krisis sa Middle East, lalo na sa pagtaas ng presyo ng langis at gastusin ng mga komunidad.

Ayon kay Shem Garcia ng League of Corporate Foundations, nakatuon ngayon ang mga programa sa agarang tulong sa mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo.

Isa sa mga hakbang ay mula sa Metro Pacific Investments Foundation Inc., na magbibigay ng humigit-kumulang 500,000 food packs sa mga mangingisda sa Batangas at mga transport worker sa Metro Manila.

Nag-alok din ng tulong ang Victory Liner Inc. sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang mga bus para sa shuttle services sa ilalim ng bayanihan program.

Samantala, nangako ang ilang manufacturers na hindi muna magtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang unang bahagi ng Mayo, kahit tumataas ang kanilang gastos sa produksyon at logistics.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, nananatiling buo ang karamihan sa CSR budgets dahil bahagi na ito ng ESG standards o environmental, social, at governance frameworks ng mga kumpanya.

Gayunman, aminado si Garcia na posibleng maapektuhan ang ilang programa kung lalala pa ang sitwasyon, bagama’t sa ngayon ay nakatuon ang mga kumpanya sa agarang tulong habang pinapanatili ang kanilang pangmatagalang proyekto.