Pinigilan ng mga awtoridad sa Malaysia ang tangkang pagpupuslit ng mga advanced artificial intelligence o AI chips na nagkakahalaga ng 49.5 milyong ringgit o katumbas ng 12.1 milyong dolyar.

Ayon kay Aspalila Ag Tuah, direktor ng customs sa paliparan, nasamsam ng mga awtoridad ang 30 server unit na naglalaman ng mga advanced AI chip sa free trade zone ng Kuala Lumpur airport ngayong buwan.

Nadiskubre umano ang mga kagamitan matapos ideklara ang mga ito bilang “electronic components” upang maiwasan ang pagtukoy ng mga awtoridad. Lumabas din sa paunang imbestigasyon na nakatakdang muling iluwas ang mga server sa ibang bansa sa Asya.

Ito na ang ikalimang kasong kinasasangkutan ng isang sindikato na sangkot sa pagpupuslit ng advanced AI chips ngayong taon. Tinatayang mahigit 24 milyong dolyar na ang kabuuang halaga ng mga nasabat na kagamitan sa mga kasong ito.

Pinaigting ng Malaysia ang mga kontrol sa pag-export at paglilipat ng mga chip mula sa Estados Unidos upang hindi magamit ang bansa bilang transit point ng mga kagamitang may restriksiyon, kabilang ang mga posibleng ilihis patungo sa China.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso, habang ipinatawag na rin ang kompanyang nag-asikaso sa pagpapadala ng mga server upang tumulong sa pagsisiyasat.