Lalagda sa isang memorandum of agreement ang Office of the Ombudsman at Bureau of Customs (BOC) sa Nobyembre upang pormal na maipatupad ang pagbabahagi ng datos at impormasyon bilang bahagi ng kampanya laban sa korapsyon at smuggling.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, kauna-unahang pagkakataon itong maisasagawa sa pagitan ng dalawang ahensya.

Kinumpirma naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang planong kasunduan, na naglalayong palakasin ang mga kasong isinasampa laban sa mga sangkot sa ilegal na gawain at matiyak ang pananagutan ng mga lumalabag sa batas.

Nauna nang sinabi ni Remulla na nakahahadlang sa pagbuo ng matitibay na kaso laban sa smuggling ang kakulangan sa pagbabahagi ng datos at dokumento mula sa Customs.