Nabigo ng mga awtoridad sa Malaysia ang tangkang pagpupuslit ng mga advanced artificial intelligence o AI chips sa pangunahing paliparan ng bansa, na nagkakahalaga ng mahigit 12 milyong dolyar.

Ayon sa customs officials, nakumpiska ang 30 server units na naglalaman ng mga advanced AI chips na nagkakahalaga ng 49.5 milyong ringgit o katumbas ng 12.1 milyong dolyar sa free trade zone ng Kuala Lumpur International Airport sa Sepang.

Ito na ang ikalimang kasong kinasasangkutan ng isang sindikato na nagpupuslit ng advanced AI chips ngayong taon, na may kabuuang halagang mahigit 24 milyong dolyar.

Ayon kay Airport Customs Director Aspalila Ag Tuah, idineklara ang mga server bilang mga electronic component upang makaiwas sa inspeksiyon ng mga awtoridad.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakatakda umanong muling iluwas ang mga server sa ibang bansa sa Asya. Hindi naman tinukoy ng mga awtoridad ang bansang pinagmulan ng shipment, kung saan ginawa ang mga chips, at ang huling destinasyon ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso at ipinatawag na rin ang kumpanyang nag-asikaso sa shipment upang tumulong sa pagsisiyasat.

Pinaigting ng Malaysia ang mga patakaran sa pag-export at paglilipat ng mga chip mula sa Estados Unidos dahil sa pangamba na ginagamit ang bansa bilang transit point para sa mga produktong may restriksiyon, kabilang ang mga posibleng ilihis patungong China.