Narekober ng isang 30-anyos na mangingisda ang isang bahagyang nabuksang pakete na naglalaman ng puting pulbos na substansiya na pinaghihinalaang cocaine noong Hunyo 21, 2025, sa baybayin ng Sitio Casaluran, Barangay Dilam, Calayan.

Ang pakete ay binalot sa duct tape at brown scotch tape, at may label na “COCA RACING.”

Agad na iniulat ng mangingisda ang kanyang natagpuan sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Calayan.

Kaagad namang kumilos ang PCG, katuwang ang PDEA Region 2 Batanes Provincial Office, Calayan Police Station, Maritime Law Enforcement Team, Philippine Marines, at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa maayos at ligtas na pagkuha ng ebidensiya.

Ang hinihinalang ilegal na droga ay tinatayang may timbang na humigit-kumulang 1 kilo at may halagang P5.3 milyon sa merkado.

-- ADVERTISEMENT --

Isinagawa naman ang pormal na turnover ng nasabing substansiya sa PDEA kaninang 11:30 ng umaga, Hunyo 22, 2025, sa PCG Calayan Station sa Poblacion.

Dadalhin ang nakumpiskang substansiya sa mainland upang isailalim sa masusing chemical analysis.