Tinanggap ni Senador Rodante Marcoleta ang imbitasyon ng Philippine Bar Association (PBA) na mag-host ng debate sa pagitan niya at ng retiradong Supreme Court Senior Associate Justice na si Antonio Carpio, kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Nauna nang tinanggap ni Carpio ang alok ng PBA, ngunit nais niyang saklawin sa debate ang tanong kung legal na umiiral ang WPS at kung kabilang dito ang Kalayaan Island Group (KIG).

Ipinahayag naman ni Sen. Marcoleta ang tatlong pangunahing punto para sa debate: una, ang tungkulin ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) at Department of Foreign Affairs (DFA) na tukuyin at isumite ang hangganan ng Philippine EEZ bilang bahagi ng pagpapatupad ng arbitral award; ikalawa, ang pagsasaayos ng mga mapa kaugnay ng KIG; at ikatlo, ang obligasyon ng estado sa ilalim ng UNCLOS na magsumite ng charts at abiso.

Ani Marcoleta, sapat na ang mga puntong ito upang maging makabuluhan ang talakayan.