
Dumating sa Kazan, Russia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit, kung saan nakatakda rin siyang magkaroon ng bilateral meeting kay Russian President Vladimir Putin.
Bilang kasalukuyang chair ng ASEAN, pangungunahan ni Marcos kasama ni Putin ang summit na magmamarka sa ika-35 anibersaryo ng ugnayan ng ASEAN at Russia. Tatalakayin sa pulong ang pagpapalalim ng kooperasyon sa larangan ng enerhiya, seguridad sa pagkain, kalakalan, at pamumuhunan.
Ayon kay Philippine Ambassador to Russia Igor Bailen, inaasahang pagtitibayin ng mga lider ang ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030, gayundin ang Kazan Declaration at mga kasunduan kaugnay ng energy at cultural cooperation.
Samantala, inaasahang pag-uusapan nina Marcos at Putin ang mga paraan upang mapalakas ang food at energy security ng Pilipinas, lalo na sa gitna ng epekto ng mga pandaigdigang tensyon sa ekonomiya. Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pang kumpirmasyon kung pormal na tatalakayin sa summit ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.










