
Maghaharap pa ng karagdagang mga testigo ang House prosecution panel kaugnay ng ikaapat na Article of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na tumatalakay sa umano’y pagbabanta nito laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay impeachment court spokesperson Regie Tongol, hindi magiging huling testigo si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil mayroon pang iba na ihaharap ang prosekusyon, bagama’t hindi pa isinasapubliko ang kanilang pagkakakilanlan.
Sinabi rin ni Tongol na maaaring mabawasan ang 11 trial days na inilaan para sa Article IV matapos magpasya ang prosekusyon na hindi na iharap bilang mga testigo sina Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Zuleika Lopez at House Legislative Security Bureau Executive Director Captain Belinda Bello. Sa ilalim ng 92-araw na iskedyul ng paglilitis, 62 araw ang nakalaan sa prosekusyon at 30 araw naman sa depensa.










