
Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na higit pa sa pagiging magalang ang pagtanggap ng isang undersecretary sa defense attaché ng China sa ginanap na pulong ng mga defense minister ng Southeast Asian countries sa Cebu.
Ayon kay Teodoro, dapat isaalang-alang ang pagkakapantay ng ranggo at katayuan, kaya maituturing nang higit sa sapat ang pagtanggap ng isang undersecretary sa naturang opisyal.
Hindi personal na sinalubong ni Teodoro ang Chinese defense attaché na si Senior Captain Yang Lei, bagama’t siya mismo ang bumati at nakipagkamay sa mga defense minister at kinatawan ng ibang bansa.
Samantala, itinanggi ni Teodoro ang alegasyon ng China na hinadlangan ng Pilipinas ang pakikilahok nito sa pulong ng ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus).
Binigyang-diin niyang ang posisyon ng China ay hindi nangangahulugang iyon din ang pananaw ng mga miyembro ng ASEAN.










