
Hindi na tutuloy si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa regional summit sa Thailand upang personal na humarap bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 20.
Ayon kay Matibag, isinantabi na niya ang pagdalo sa summit kahit pa inaasahang makakaharap niya roon ang Director ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na si Kash Patel.
Aniya, nais sana nilang pag-usapan ang pagpapalakas ng intelligence network at koordinasyon ng dalawang ahensya.
Sinabi rin ni Matibag na nakatanggap siya ng personal na liham mula kay Patel bilang pasasalamat sa naging pagtutulungan ng NBI at FBI sa mabilis na pagbabalik ng isa sa most wanted fugitives ng Estados Unidos.
Gayunman, ipinaabot na umano niya sa FBI chief na hihiling na lamang sila ng ibang pagkakataon upang maisagawa ang kanilang pagpupulong.










