Nagbunga umano ang matibay na pananampalataya ng isang pamilya mula Tuao, Cagayan sa pagkakapasa ni Atty Merycris Catubag Baligod sa 2022 Bar Exam.

Ayon kay Baligod 27-anyos, mula nang ianunsyo kung kailan ilalabas ang resulta ng Bar exam ay sama-samang nagdarasal ng rosaryo ang kanyang pamilya kada gabi.

Aniya, habang nag-aabang sa announcement ng Supreme Court nitong Biyernes ng tanghali ay magkakasama ang pamilya na nag-novena sa kanilang bahay kung saan abot langit ang kanilang kasiyahan ng malaman na isa sya sa mga pumasa sa pinakamahirap na professional licensure exams sa bansa.

Bagamat aminadong labis umano siyang nalungkot at nasaktan nang hindi pumasa sa Bar exam noong unang pagkakataon ay nagsilbi umano itong motibasyon niya para sumubok sa ikalawang pagkakataon.

Sa review ay pinagtuunan niya ng pansin ang mga asignatura kung saan siya mahina.

-- ADVERTISEMENT --

Si Baligod ay isang political science graduate sa Saint Louis University- Tuguegarao noong 2016 at kumuha ng Law sa Cagayan State University na nagtapos noong 2020.

Habang nag-aaral ng abogasya ay isinabay din niya ang pagtatrabaho bilang home-based na virtual assistant sa isang foreign company upang makatulong sa kanyang ama na isang government employee dahil nag-aaral pa ang kanyang dalawang kapatid.

Plano ngayon ni Baligod na na mag-apply sa mga government offices o maging isang ganap na private lawyer.

Mensahe ni Atty Baligod sa mga nabigo sa unang pagsubok na huwag mawawalan ng pag-asa.

Kailangan aniya ng pagsisikap at determinasyon at pananalig sa Panginoon kung nais maabot ang pangarap.