Hindi lang daw kakulangan sa flood-control projects ang dahilan ng matinding pagbaha sa Central Luzon, kundi pinalala rin daw ito ng hindi pangkaraniwang dami ng buhos ng ulan na epekto ng climate change.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang situation briefing sa Pampanga Provincial Capitol tungkol sa epekto ng Habagat at magkakasunod na bagyo sa Region 3.

Anya, kailangang ayusin agad ang mga nasirang flood-control structures pero dapat ding tiyaking matibay ang mga ito para hindi na muling masira kapag bumalik ang malakas na ulan.

Kabilang sa mga agarang hakbang ang pagpapatupad ng limang Sabo River Dams sa Nueva Ecija, na inaasahang makapagpapabagal sa pagbaba ng tubig mula sa kabundukan at makababawas sa siltation.

Maaari rin umanong maipon ang tubig mula sa mga dam para magamit sa household, industrial at agricultural purposes.

-- ADVERTISEMENT --

Para naman sa pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagtatayo ng tinatayang 100-kilometrong dike na may kalsada mula sa bahagi ng Central Luzon hanggang Pilar, Bataan, upang harangin ang tubig-dagat na pumapasok mula sa Manila Bay.

Sinabi ng Pangulo na patuloy pa ring mino-monitor ang sitwasyon dahil may mga lugar na hindi pa ma-assess ang lawak ng pinsala habang baha pa.

Tiniyak naman niyang patuloy ang paghahatid ng pagkain at serbisyong pangkalusugan sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.