Iginiit ng mga biktima ng kampanya kontra droga na mas mahalaga ang aktuwal na pag-aresto at pagsuko ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa International Criminal Court o ICC kaysa sa ₱50-milyong pabuya para sa kanyang pagkakadakip.

Ayon kay lawyer Gilbert Andres, dapat gawin ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapayapang maipatupad ang arrest warrant laban sa senador. Aniya, hindi dapat maging hadlang ang usapin sa legalidad ng pabuya dahil may batas na nagpapahintulot sa pagsuko ng mga taong iniimbestigahan ng mga international court.

Pinangalanan si Dela Rosa ng mga prosecutor ng ICC bilang isa sa walong umano’y katuwang sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na iniugnay sa pagkamatay ng libu-libong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

Nagtatago umano si Dela Rosa mula pa noong Mayo, nang tangkain ng mga awtoridad na ipatupad ang arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder.