Mas nanganganib ang mga community journalist sa bansa habang patuloy na dumarami ang naitatalang pag-atake laban sa mga miyembro ng media.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines o NUJP, nasa 260 kaso na ng pag-atake sa press ang naitala sa mahigit apat na taon ng administrasyong Marcos.

Sa bilang na ito, higit 180 kaso ang kinasasangkutan ng mga media worker mula sa mga lokal na pahayagan at himpilan ng radyo, alternative media at campus publications.

Kadalasang limitado ang resources at proteksiyon ng mga nasa maliliit na newsroom, ngunit sila rin ang nasa unang linya sa pag-uulat ng mga isyung direktang nakaaapekto sa kanilang mga komunidad.

Sa kabila ng mga panganib, patuloy silang naghahatid ng impormasyon at mga kuwentong maaaring hindi nabibigyang-pansin ng malalaking media organization.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, iginiit ng NUJP na sa bawat pag-atake sa isang mamamahayag, nanganganib din ang karapatan ng komunidad na malaman ang katotohanan.