Nakahanda umanong ibigay ng House Quad Committee sa Department of Justice (DOJ) ang lahat ng mga dokumento at iba pang mga ebidensya na nakalap nito kaugnay sa imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJKs) at iligal na droga.
Pahayag ito nina Quad Committee co-chairmen Manila 6th District Rep. Benny Abante at Sta. Rosa Representative Dan Fernandez kasabay ng paghikayat nila sa DOJ na kasuhan na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pag-ako ni Duterte sa responsibilidad kaugnay sa dami ng mga namatay sa ilalim ng war on drugs.
Magugunitang una nang nagbigay ang Quad Committee ng mga dokumento sa Office of the Solicitor General para agad maisulong ang proseso ng pagbawi sa mga ari-arian na iligal na nakuha ng mga Chinese na may koneksyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).