Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng mahigit 9,000 insidente ng sunog sa bansa ngayong taon, mas mataas ng 42% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay BFP spokesperson Fire Supt. Anthony Arroyo, umabot na sa 9,451 ang naitalang sunog kumpara sa 6,675 noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Karamihan umano sa pagtaas ng insidente ay naitala sa labas ng Metro Manila at kinabibilangan ng mga non-structural fire tulad ng forest fire at grass fire, na tumaas ng halos 67%.

Sinabi ng BFP na may direktang kaugnayan ang pagdami ng sunog sa mataas na heat index at matinding init ng panahon nitong mga nakaraang buwan batay na rin sa datos ng BFP at PAGASA.