Iginiit ng ilang labor group na hindi sapat ang inaprubahang P85 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Bagama’t tinawag ng Department of Labor and Employment na pinakamalaking wage increase sa kasaysayan ng National Capital Region ang dagdag-sahod, sinabi ng mga manggagawa na hindi pa rin nito natutugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa ilalim ng wage adjustment, ipatutupad ang P60 dagdag-sahod sa Hulyo 19, habang ang natitirang P25 ay ipatutupad sa Enero 20, 2027, na magtataas sa minimum wage ng mga non-agricultural worker sa P780 kada araw.

Dahil dito, muling nanawagan ang mga labor group sa Kongreso na ipasa ang panukalang P200 nationwide wage hike upang makatulong sa pagharap ng mga manggagawa sa patuloy na mataas na halaga ng pamumuhay.