
Kinuwestiyon ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng bagong ₱60 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region.
Ayon sa TUCP, kailangang linawin ng DOLE kung papalit ba ang Wage Order No. NCR-28 sa naunang Wage Order No. NCR-27 na nagtakda ng ₱85 wage increase sa dalawang tranche.
Giit ng grupo, kung pansamantalang hakbang lamang ang bagong wage order, dapat malinaw na hindi nito inaalis o binabawasan ang karapatan ng mga manggagawa sa ilalim ng naunang ₱85 wage hike.
Kinuwestiyon din ng TUCP ang epekto ng bagong order sa mga hindi pa nabayarang dagdag-sahod mula Hulyo, gayundin ang proseso ng konsultasyon bago ito inilabas.
Inanunsyo ng DOLE noong Setyembre 11 ang Wage Order No. NCR-28, na nakatakdang ipatupad sa Setyembre 26.










