
Nanawagan ang mga magsasaka sa lalawigan ng Cagayan ng agarang subsidiya upang maibsan ang kanilang pasanin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Ginoong Johny Peralta, isang magsasaka mula sa bayan ng Enrile, malaki ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ng agrikultura, lalo na’t ginagamit nila ito para sa patubig ng kanilang sakahan na kasalukuyang nasa flowering stage.
Kasabay ng panawagan, hiniling ni Peralta kay Governor Edgar Aglipay na ipatupad agad ang fuel subsidies upang mapagaan ang tumataas na gastos sa produksyon ng mga magsasaka.
Isa pang isyu na kanyang binigyang-diin ay ang limitasyon sa bentahan ng krudo sa bawat magsasaka sa halagang isang libong piso o humigit-kumulang 14 liters lamang sa kasalukuyang presyo.
Ayon sa kanya, hindi sapat ang naturang halaga para sa patubig ng isang ektarya ng palayan, kaya nananawagan siya na suriin ng pamahalaan ang mga kumpanya ng langis hinggil dito.
Matatandaan na una nang naglabas si Governor Aglipay ng executive order para bumuo ng Provincial Economic Security and Resilience Task Force na magbibigay ng agarang tugon sa epekto ng global Crisis, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis.
Layunin ng task force na ito na bantayan ang presyo ng langis, suplay ng pataba, at iba pang pangunahing bilihin upang maprotektahan ang mga magsasaka at iba pang sektor ng ekonomiya sa Cagayan.










