Binuksan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR Region 2 ang bidding para sa mga sasakyan na ginamit sa pagpupuslit ng mga iligal na pinutol at tinistis na mga kahoy.

Sinabi ni Atty. Johnlee Rumusud, assistant chief ng Enforcement Division ng DENR Region 2 na 29 na sasakyan na nakumpiska ng ahensiya na kinabibilangan ng mga van, trucks, container van at iba ba ang bukas sa lahat para sa bidding.

Sa nasabing bilang, pinakamaraming nakumpiska sa Isabela na 18, pito saNueva Vizcaya, dalawa sa Cagayan at dalawa sa Quirino.

Sinabi niya na para sa mga nagnanais na maki-bid ay bisitahin lamang ang kanilang website at FB page upang makita ang mga nasabing sasakyan at magsumite ng kanilang bid documents.

Idinagdag pa ni Rumusud na asahan sa susunod na mga buwan na madagdagan pa ang mga sasakyan na ipapa-bid ng DENR.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na una na silang nakapag-dispose ng 11 na sasakyan habang ang tatlo ay ginagamit ngayon ng kanilang opisina.

Kaugnay nito, sinabi ni Rumusud na umabot naman sa mahigit 16, 000 board feet na hot logs ang kanilang nakumpiska sa unang quarter ng taong 2024 na nagkakahalaga ng mahigit P4m.

Ayon sa kanya, ang disposition sa mga nasabing kahoy ay prayoridad nila ang Department of Education para sa paggawa ng mga upuan at iba pang proyekto.

Sinabi niya na nagbibigay din sila sa ilang ahensiya na himihingi sa kanilang tanggapan.

Ayon sa kanya, 13 ang kinasuhan sa paglabag sa ILlegal Logging Act at may lima dahil sa paglabag sa Chainsaw Act.

Kasabay nito, sinabi ni Rumusud na lalo pa nilang pinapaigting ang kanilang kampanya laban sa illegal logging.