Tinatayang higit 5,300 katao, kabilang ang mga Pilipino, ang patuloy na naiulat na nakakulong sa mga online scam center sa border ng Myanmar at Thailand, ayon sa isang human rights group.

Sa liham na ipinadala ng Civil Society Network for Human Trafficking Victim Assistance (CSNHTV) sa mga awtoridad sa Thailand, sinabi nitong karamihan sa mga biktima ay mga foreign nationals na dinala sa iba’t ibang scam compound sa Myanmar.

Kabilang sa mga naiulat na naapektuhan ang mga mamamayan mula China, Myanmar, Thailand, Pilipinas, Taiwan, Malaysia, Brazil, Russia, Kenya, Uganda, Rwanda, at Zimbabwe.

Ayon sa grupo, nananatili ang ilang operasyon sa mga lugar na kontrolado ng isang militia sa Myanmar, kung saan patuloy umanong pinipilit magtrabaho ang mga biktima sa ilalim ng mapang-abusong kondisyon.

Sinasabing nagmumula sa mga scam center ang malawakang online fraud operations na kumikita ng bilyon-bilyong dolyar taon-taon, ayon sa United Nations.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t may naunang operasyon noong nakaraang taon na nagpalaya sa libu-libong katao, nananatili pa rin umano ang malalaking ilegal na operasyon sa rehiyon, at patuloy ang panawagan para sa mas malawak na rescue efforts.