Maayos na nadala sa pagamutan ang isang ginang para medical attention na nanganak ng premature na sanggol sa isang liblib na lugar sa Flora, Apayao noong Enero 25 sa tulong pulisya.

Agad na tumugon ang mga tauhan ng Flora Municipal Police Station (MPS) at 1st Apayao Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa tawag ng isang babaeng guro ng Upper Atok Elementary School, residente ng Barangay Anninipan, Flora, na nagsilang ng premature na sanggol na lalaki sa isang lugar na mahirap maraming dahil sa limitadong transportasyon.

Sa pangunguna ni PCpl Mark Francis Roque, agad na nagtungo ang mga pulis sa lugar kasama ang mga kaanak ng guro upang tiyakin ang kaligtasan ng ina at sanggol.

Dahil sa hindi magandang kalagayan ng lugar na may landslide at matarik na daan, hindi makapasok ang sasakyang patungo sa nasabing lugar.

Dahil dito, kinailangan na maglakad ng walong kilometro, kung saan inabot sila ng dalawang oras at 30 minuto para maihatid ang ginang sa ospital.

-- ADVERTISEMENT --

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay at mga residente ng Upper Atok, naisagawa ang isang “Kabinnuligt” — isang sama-samang pagkilos ng pulisya at komunidad — upang ligtas na maihatid ang ina at sanggol sa ospital.

Kaugnay nito, pinuri ni PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. ang ginawang kabayanihan ng mga pulis at ang mga mamamayan na tumulong sa pangangailangan ng ginang.

Ayon kay Nartatez, ang insidente ay nagpapakita sa kahalagahan ng presensiya ng mga pulis sa mga lugar na may limitadong access sa emergency services.