Kinuwestiyon ng minority bloc ang umano’y “rushed” na proseso ng pag-amyenda sa Senate rules.

Kasunod ito ng pag-walkout ang minority bloc nitong Martes, Mayo 26, matapos ang mainit na talakayan tungkol sa pag-amyenda sa Senate rules na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa plenaryo sa pamamagitan ng online o remote participation.

Ang panukala ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11, na layuning payagan ang “justifiable” na remote attendance ng mga miyembro ng Senado.

Ayon sa minority bloc, minamadali umano ang proseso ng pag-amyenda sa rules at hindi nabibigyan ng sapat na pagkakataon ang lahat ng senador na magpahayag ng kanilang opinyon.

Sa kanilang pahayag na ibinahagi sa social media ni Sen. Kiko Pangilinan, iginiit nilang dapat itong isailalim sa mas malawak na talakayan at hindi dapat ipatupad ng mabilis.

-- ADVERTISEMENT --

Pinanindigan ng Minorya na tila may “railroading” o pagmamadali sa proseso, at nagbabala na maaaring maapektuhan ang patas na paglahok ng mga senador sa paggawa ng batas.

Dahil sa pag-walkout, nabigo ang plenaryo na makabuo ng quorum kaya hindi na nasunod ang panukala. Kalaunan, inadjourn ang sesyon at itutuloy muli sa Hunyo 1.