Nagpahayag ng suporta ang ilang senador sa Department of Energy (DOE) kaugnay ng plano nitong magtakda ng minimum at maximum fuel price adjustments sa gitna ng umiiral na state of national energy emergency.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, mas mainam ang ganitong regulasyon kaysa hayaan ang mga oil companies na magdikta ng presyo, basta’t tama at makatuwiran ang magiging computation ng DOE.

Binigyang-diin din ni Lacson ang kapangyarihan ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act 8479, na nagpapahintulot sa DOE na umaksyon sa panahon ng emergency upang maprotektahan ang publiko.

Suportado rin ito ni Senate President Vicente Sotto III, na nagsabing mahalaga ang pagkakaroon ng kontrol sa presyo ng langis. Gayunman, muling isinulong ni Sotto ang panawagang repasuhin o tuluyang alisin ang oil deregulation law upang mas magkaroon ng direktang kontrol ang gobyerno sa presyo ng petrolyo.

Samantala, sinabi ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na makatutulong ang hakbang ng DOE bilang agarang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis mula pa noong Marso. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng “unbundling” o malinaw na breakdown ng presyo upang matiyak na hindi arbitraryo ang dagdag-singil ng mga kumpanya ng langis.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Gatchalian, dapat patuloy na gamitin ng pamahalaan ang emergency powers nito at tiyaking may sapat na paliwanag ang DOE at oil companies sa bawat galaw ng presyo ng produktong petrolyo.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Imee Marcos, na nagsabing huli na ang naging aksyon ng DOE. Ayon sa kanya, dapat ay mas maaga itong ipinatupad matapos ideklara ang state of energy emergency upang maiwasan ang matinding epekto sa transportasyon, agrikultura, at kabuhayan ng mga Pilipino.