TUGUEGARAO CITY-Nagkasagupa ang mga miembro sundalo at rebelbeng New Peoples Army (NPA) sa Barangay Bural, Rizal, Cagayan, pasado ala-una ng hapon, ngayong araw, Disyembre 5, 2020.
Ayon kay Lt. Allen Tubojan ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army, tumagal ng 20 minuto ang bakbakan ng magkabilang panig kung saan wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng gobyerno habang inaalam pa sa makakaliwang grupo.
Aniya, nakasagupa ng grupo ng pamahalaan ang West Committee ng New Peoples Army sa Probinsya ng Cagayan.
Una rito, rumesponde ang grupo ng 17th IB, 77th Battalion Philippine Marines at PNP matapos makatanggap ng sumbong ang kasundaluhan sa presensya ng mga grupo sa nasabing lugar.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang walong improvised explosive device (IEDs), dalawang rifle grenades, iba’t-ibang klase ng bala ng baril, pitong cellphones at iba pang dokumento.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng mga otoridad sa mga nakalabang NPA.