
Isinusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang modernisasyon ng M.T. Villanueva Avenue sa Naga City upang maging mas ligtas, mas maayos, at mas commuter-friendly ang pagbiyahe ng mga residente at motorista.
Ayon sa DPWH, kabilang sa planong redesign ng kalsada ang pagpapalawak ng mga sidewalk, paglalagay ng dedicated bike lanes, mga hintuan para sa pampublikong sasakyan, at underground cabling upang mapaganda ang urban mobility sa lungsod.
Personal na ininspeksyon nina DPWH Secretary Vince Dizon at Naga City Mayor Leni Robredo ang inilatag na disenyo para sa proyekto, na ayon sa alkalde ay magsisilbing pilot project na maaaring tularan sa iba pang bahagi ng bansa.
Bukod dito, tiniyak din ng pambansang pamahalaan ang pagpapatuloy ng iba pang mahahalagang proyekto sa Naga kabilang ang pagkumpleto ng Naga Airport, flood mitigation projects sa ilalim ng Oplan Kontra Baha, at rehabilitasyon ng ilang pangunahing lansangan.
Sinuri rin ni Dizon ang konstruksyon ng Mabolo-Almeda Bypass Road na inaasahang makatutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa Naga City kapag natapos sa unang bahagi ng 2027.









