Patay ang isang rider ng motorsiko matapos sumalpok at tumilapon sa bubong ng karo ng patay (funeral car) sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Selwyn Angel, 16-anyos, estudyante at residente ng Brgy Remus, Baggao.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni PCAPT Llwelyn Guzman, hepe ng Amulung PNP, nag-overtake ang biktima sa iba pang mga motorsiklo sa pakurbadang bahagi ng lansangan sa Brgy Nangalasauan, dahilan para sumalpok sa kasalubong na karo na minamaneho ni Joshua Tamayao, 22-anyos ng Tuguegarao City.
Dead-on-arrival ang biktima sa ospital dahil sa tinamong malubhang pinsala habang si Tamayao ay nagtamo ng minor injuries.
Sinabi ni Guzman na galing sa lamay at pauwi na sana ang biktima sa bayan ng Baggao nang mangyari ang aksidente habang naghatid naman ng patay ang karo sa bayan ng Amulung.
Nasa pangangalaga na ng pulisya ang driver ng funeral car at hinihintay ang desisyon ng pamilya ng biktima kung magsasampa ng kaso.